Marami akong natututunan sa ­hindi pagsagot sa tanong ng mga tao! Hinahayaan ko lang silang magtanong at/o sinasabing “Ang Bibliya ang tutulong sa pagsagot sa tanong na iyan, ituloy lang ang pagbasa,” o “mamaya sasagutin iyan ng kwento.”

Natuklasan kong dahil sa hindi natin pagsagot, ang mga mahahalagang tanong ay nanatili sa isipan ng mga tao at kanila itong hinihimay. Kaya kapag sinasagot namin ang tanong na, “Ano ang maaaring itanong nila sa kwentong ito?” bumubuo kami ng hanggang 20 mga tanong (tingnan ang talakayan tungkol sa kwento para sa mga detalye). Ang ibang mga tanong ay maaaring hindi masasagot pero hindi naman iyon masama. Halimbawa, sa pagpapagaling sa Bulag na si Bartimeus (Marcos 10:46-52). Bakit tinawag ni Bartimeus si Jesus, ‘Anak ni David?’ at paano niya narinig ang tungkol kay Jesus at bakit niya nagamit ang ganitong pagturing kay Jesus? Maaaring may mga sagot tayo pero dahil hindi naman tiyak na tinukoy sa teksto, ito’y mga posibilidad lamang. Gayunman, nagbibigay sa atin ang mga tanong na ito ng karagdagang pagkamangha sa pagkilos ng Diyos sa mga tao at ng kaisipang ang Kanyang gawa’y higit pa sa ating nalalaman. Isa itong paalala na laging ipanalanging gumawa ng ganito ang Diyos sa buhay ng ating mga kaibigan.

Kapag nabuo ang 20 mga tanong, matutuklasan mong isa o dalawang mga tanong ang maiiwan sa puso ng bawat isa. Kadalasan, pag-iisipan namin ang mga tanong na ito ng ilang linggo o buwan at ito’y magdudulot sa amin ng kalaguan.

Habang nasa isang weekend storying camp sa Blue Mountains ng Australia, nagsanay kami sa kwento ng Paglikha. Nagtanong ako, “Sa palagay ba ninyo ay may halaga pa na ang kwento ng Paglikha ay may ‘at nagkaroon ng gabi at umaga’ at hindi na lang natural nating sabihing, ‘nagkaroon ng umaga at gabi?’” Kinabukasan, isang lalaking nasa mga edad 60 ang lumapit sa akin at sinabing, “Sa tingin ko may naisip ako. Palagay ko lagi nating nakikita ang mga bagay mula sa ating pananaw pero ang buong saysay ng buhay ay dapat nating makita ayon sa Kanyang plano. Para sa Kanya, ang kadiliman ay naroon at nilikha niya ang liwanag at sa katunayan, ay siyang Ilaw. Pagkatapos ng kadiliman ay buhay at pag-asa, kaya iyon ang paraan kung paano iyon sabihin.

Masiyahan ka sa kaalamang hindi mo kailangang sagutin ang mga  tanong ng tao!

Tandaan:

  • Kadalasan, gusto ng mga tao mula sa Kanluranin, sa lipunan pagtapos ng modernong kaisipan, ang nag-iisip at tumutuklas ng misteryong nagmumula sa mga hindi nasasagot na tanong, at sila’y naiinis sa mga taong parang alam lahat ng sagot.
  • Kung ang tanong ay pakahulugan sa salita katulad ng ‘sinagoga’, Pangilin,’ o ‘Rabi’ maaari mong ibigay ang katumbas na mga salita ‘lugar ng pagsamba ng mga Hudyo,’ o ‘araw ng pahinga’, o ‘guro’. O mas maganda na ipaliwanag ang mga ito sa iyong panimula.