Bakit napakaraming pagdurusa?

Ito ang panimula sa aklat na “Telling the Gospel Through Story.”

Si Steve ay mula sa England kung saan ang trabaho niya ay magpintura ng mga bahay. Nagbabakasyon siya kasama ng kanyang pamilya sa isang beach resort sa Pilipinas at nagkataon na pareho kami ng tinutuluyang resort. Isang araw habang nag-uusap kami ni Steve, napapunta sa usapang ispiritwal ang aming kuwentuhan. Sabi ni Steve, “Marami na akong nakausap na religious leaders, pero hindi ako naging kuntento sa mga sagot nila sa mga tanong ko. Kaya pinili ko na lang na huwag nang sumunod sa kahit anong relihiyon at mamuhay nang mabuti.”

“Ano’ng mga katanungan mo?” tanong ko kay Steve.

“Ang pinakauna ay bakit hindi patas ang mundo? Bakit nararanasan ang mga pasakit at pagdurusa, at kung totoong may Diyos, bakit walang ginagawa ang Diyos?”

“Pwede ko bang subukan na ibahagi sa’yo ang mga natutunan ako tungkol dito gamit ang kuwento sa Biblia?”

“Hindi ako naniniwala sa Biblia.”

“Hindi naman iyon problema. Sana makatulong kahit papaano ‘yung kuwento sa’yo.”

Sinimulan namin sa Genesis 1 at kung ano’ng balak ng Diyos para sa mundo. Ipinaliwanag ko kung paano sinabi ng Diyos, “Ngayon, likhain natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis.” Nilikha ng Diyos ang tao mula sa alabok at hiningahan Niya ito upang magkaroon ng buhay si Adan. Pinatulog ng Diyos si Adan, kinuha Niya ang isang tadyang nito at nilikha si Eba upang maging asawa ni Adan. Sa wakas, pinagmasdan ng Diyos ang lahat ng Kanyang ginawa, pinagpala Niya ito at lubos Siyang nasiyahan. Sa ika-pitong araw, Siya ay nagpahinga matapos Niyang likhain ang lahat. Maya-maya’y dumating ang dalawang anak ni Steve kasama ang kasintahan ng anak niyang lalaki. Binalikan ko ang mga bahagi na hindi nila narinig sa kuwento at ipinagpatuloy kong ipaliwanag ang pagsisimula ng pasakit at pagdurusa sa mundo gamit ang Genesis 3. Binanggit ko ang kakaibang pahiwatig ng pag-asa nang sinabi ng Diyos sa ahas, “Kayo ng babae’y aking pag-aawayin, binhi mo’t binhi niya’y lagi kong paglalabanin. Ang binhi niya ang dudurog sa iyong ulo, at sa sakong niya’y ikaw ang tutuklaw.” (Genesis 3:15)

“Alam ko sasabihin mo na si Jesus ang dudurog sa ulo ng ahas, pero paano niya iyon gagawin?” tanong ng isa sa mga tagapakinig.

“Pwede ko ba kayong kuwentuhan ng iba pang mga nangyari bago pa ang kuwento ni Jesus? Makakatulong iyon para mas maging maliwanag ang lahat,” sagot ko sa kanya.

Itinuloy namin ang usapan sa kuwento ni Abraham, ng paglaya ng Israel mula sa Egypt, at ng iba pang istorya sa Lumang Tipan. Ang bawat istorya ay idinugtong ko sa sumunod na istorya para mas maintindihan nila ang kalagayan ng tao at kung paano higit natin kailangan ng Tagapagligtas. Inulan nila ako ng mga katanungan, na isa-isa naming pinag-usapan. Madalas ay sinagot ko sila ng isa pang tanong, na nasagot nila base sa mga bagay na natutunan na nila. Minsan sinabi ko na, “Masasagot natin yan sa susunod na kuwento.”

Sa wakas, makalipas ang halos isang oras, naabot din namin ang dulo ng Lumang Tipan.

“Huwag mo naman kaming bitinin. Sabihin mo sa amin kung paano nagliligtas si Jesus!” pakiusap nila.

Sa labas ng aming hapag-kainan, nang-aakit ang dagat. Tamang-tama ang panahon para mag-snorkeling at maglaro sa ilalim ng araw, ang dahilan kung bakit andito ang pamilyang ito na galing sa napakalamig na lugar ng England. Halos patapos na ang kanilang bakasyon, pero ngayong araw parang halos hindi nila pansin ang dagat.

Pinagpatuloy namin ang kuwentuhan sa kapanganakan at ministeryo ni Jesus. Sa wakas, umabot na rin kami sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. “Naalala ba ninyo kung ano ang sinisimbolo ng kurtina ng templo sa Lumang Tipan?” tanong ko sa kanila.

“Ang pagkakahiwalay ng Diyos sa tao,” sagot ng isa.

“Ano ang iisang paraan para mapatawad ang tao at muling maging kaibigan ng Diyos?”

“Dapat maingat na ihanda ng isang kinatawan ang kanyang sarili, patayin ang isang hayop na walang kapintasan bilang handog, at saka dalhin ang dugo nito sa loob kurtina ng templo,” sagot pa ng isa.

“Kung ganun, ano ang ibig sabihin na nahati sa dalawa ang kurtina ng templo mula sa itaas hanggang sa ibaba kasabay ng kamatayan ni Jesus?”

May pag-aalangan silang sumagot, “Siguro ang ibig sabihin…dahil namatay si Jesus…nagkaroon na ng solusyon ang hadlang sa pagitan natin at ng Diyos.” At agad nilang sinabi, “At dahil diyan, maaari na muli tayong maging kaibigan ng Diyos.”

“Si Jesus ang naging iisang ganap na alay,” sabi ng isa sa kanila.

“Tama, pero siya rin ang naging kinatawan,” dagdag pa ng isa.

Sa wakas, tinapos ko ang aming kuwentuhan bago pa kami lahat mahapo sa pagod at mawalan ng interest sa mga bagong bagay na aming natuklasan. Makaraan ang dalawang araw, bago umalis ang pamilya ni Steve, sinabi niya, “Pagkauwi ko, hahanapin ko ang Biblia ko. Kung sana lang ay tinuruan ako ng mga dalubhasa sa relihiyon ng mga makabuluhang kuwento, eh di sana nagsimba na ako at hindi ako tumigil sa paghahanap ng katotohanan.”

You may also like...

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *